58
magdalo-gary-alejano
Dec 25, 2017 @ 12:23

Pamasko daw sa mga Pinoy

Ipinagmamalaki ng administrasyon at ng mga lider ng Kongreso na ang naipasang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN, kasabay ng 2018 national budget, ay ang pinakamagandang aguinaldo o pamasko sa sambayanang Filipino. Ngunit tila hindi ito talagang matatawag na pamasko. Sa TRAIN, nagbigay ng konti ang kanan pero binawi ng kaliwa, at mas marami pa ang kinuha kaysa sa binigay.

Oo, malilibre na ang mga manggagawa na sumasahod ng P250,000 kada taon pero ilang milyon lang ba ito? Sinasabi ng Malacanang na 6.8 milyon ang makikinabang sa tax cut na ito, bagay na kinokontra ng iba dahil isinama daw ang mga minimum wage earners na matagal nang libre sa income tax. Ipagpalagay na natin na 6.8 milyon na pamilya ang hindi na magbabayad ng buwis, hindi naman nila maiipon ang natipid nila sa income tax dahil babawiin ito sa kanila na mga excise tax.

Tataas ang LPG at tataas din ang pasahe dahil papatawan na nang buwis ang diesel at kerosene na dating walang buwis tulad ng LPG. Inaasahang tataas din ang presyo ng mga bilihin lalo na ang mga pagkain, at serbisyo publiko tulad ng tubig at kuryente na pawang gumagamit ng diesel. Ang mas malaking take-home pay sa hindi pagsingil sa kanila ng income tax ay hindi rin naipon. Baka nga abonado pa sila dahil sa pagtaas ng mga pang-araw-araw na bilihin.

At papaano naman ang mga mamamayan na hindi nakinabang sa pagbabawas ng buwis o hindi pagbabayad ng buwis? Marami pa rin ang hindi kabilang sa pormal na sektor ng paggawa. Mas malupit ang kanilang kakaharaping kapalaran simula 2018.

Sa report ng Ibon Foundation, 15.2 milyong pamilyang Filipino ang walang additional take-home pay dahil hindi sila kasama sa mga sumasahod ng P250,000 kada taon. Marami sa kanila ang sumasahod ng mininum at marami din sa kanila ang under minimum ang sahod lalo sa mga palengke at mga tindahan. Sila ang higit na magdudusa sa TRAIN dahil sila ang sasagasaan ng tax reform na ito. Papaano naging magandang Pamasko sa kanila ang TRAIN?

Tila wala talagang malasakit ang administrasyong ito lalo sa mga mahihirap nating kababayan. Malaki na ngang pasanin dahil walang trabaho, dadagdagan pa ng pagtaas ng mga bilihin. Suportado natin ang pagbabawas ng income tax pero hindi ang mga dagdag na buwis sa mga pangunahing produkto na magkakaroon ng domino effect sa mga pangunahing bilihin, lalo na sa mga pagkain at serbisyo publiko.

Ang kailangan ay mas paigtingin ang pagkolekta ng buwis na nawawala dahil sa katiwalian sa mga ahensya ng gobyerno lalo na sa BIR at BOC. Kahit dagdag tayo ng dagdag ng buwis kung malala ang katiwalian, walang mangyayari bagkus ay dinadagdagan lang ang paghihirap ng mamamayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?