152

Nov 2, 2017 @ 15:01

Pamamaril sa mga estudyante sa Davao, kinondena ng DepEd

Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang naganap na pag-ambush kamakailan sa mga mag-aaral ng Kimlawis National High School na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng walo pa, kabilang ang limang estudyante matapos dumalo sa isang street dancing event sa Davao City.

Ayon kay Education Secretary Leonor Magtolis Briones, nakikidalamhati ang pamunuan ng DepEd sa sinapit ng nasawing mag-aaral na si Jimbo Lingkanay, 16 taong gulang, at pagkakasugat ng lima pang estudyante nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan.

Batay sa report, nangyari ang pananambang alas-otso ng gabi noong Oktubre 29 matapos dumalo ang mga mag-aaral sa street dancing para sa selebrasyon ng DAMSU (B’laan) Festival na ginawa sa Kiblawan municipal gymnasium.

Agad na namatay si Lingkanay nang magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang sugatan naman sina James Paul Sarno, 18; Mildred Linkanay, 15; Jiv Cris Malalay, 17; Jimboy Sumali, 25; at Aries Caluyan, 15.

Sugatan din sina Marlon Malanson, Nibert Malanson at Mark Gil Tol, driver ng Sadam truck na sinakyan ng mga biktima mula sa Barangay Poblacion hanggang Barangay Kimlawis.

Nangyari ang pananambang habang sakay ng truck ang mga biktima na karamihan ay mga estudyante ng nasabing paaralan na pauwi na matapos na dumalo sa festival sa kanilang bayan.

Dinala ang mga biktima sa Davao del Sur National Hospital sa Digos City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa mga suspek at inaalam na rin ang motibo sa krimen na ang mga estudyante ang target. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?