82

May 14, 2021 @ 10:59

Pamamaril ng SUV sa Starmall Alabang huli sa video

Nakuhanan sa akto ang pamamaril sa isang SUV sa Starmall Alabang nitong Huwebes ng hapon.

Sa kuhang video ni Randy Romulo Cabarrubias, makikita ang pagtutok ng mga sekyu ng mall sa isang puting sasakyan habang pinapalibutan ito.

Base sa ulat ng Muntinlupa City Police, tatlong magnanakaw umano ang namataan sa parking lot ng nasabing mall.

Nagnakaw umano ng spare tire ang mga kawatan sa ikalawang palapag ng parking lot.

Dito na nagkaroon ng habulan kung saan sinabi ng pulisya na sumakay umano sa puting SUV ang mga magnanakaw.

Sinubukan nilang harangan ang kotse, ngunit binangga umano ang kanilang motorsiklo.

Doon na nila pinaputukan ang gulong ng SUV ngunit nakatakas pa rin ang mga sakay nito matapos abandonahin ang sasakyan.

Patuloy pa ang pagtugis ng pulisya sa mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?