124

Dec 15, 2018 @ 15:19
By

Palpak na internet connection ng Globe, PLDT sisilipin na ng NTC

Sisiyasatin ng National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang reklamo ng mga subscriber kaugnay sa mahina at paputol-putol na internet connection service ng Globe at PLDT Smart.

Kasunod ito ng maraming reklamo ng subscribers sa buong bansa na nakukunsumi sa dahilan ng dalawang kumpanya na nag-a-upgrade umano pero pagdating sa billing ay dapat kumpleto ang bayad.

Sinabi ni DICT Secretary Eliseo Rios na naipadala na niya sa NTC ang mga natanggap na reklamo para mabatid kung ano ang sagot ng dalawang kumpanya.

“Itong concern ng mga subscribers nationwide ay ipinadala na sa NTC. Pinapatingnan natin ‘yung policy of service nila,” ani Rio.

Hindi aniya sapat ang rason na nag-a-upgrade ang dalawang telco pero hindi naman nakikita kung gumanda ba o hindi ang serbisyo ng mga ito sa kanilang subscribers.

Dapat aniya bago mag-upgrade o may gagawin ay abisuhan muna ang mga subscriber para hindi magdulot ng kunsumisyon lalo na ang mga nakadepende sa internet ang mga trabaho.

“Iyon nga ‘yung reason upgrade, upgrade pero dapat gawan ng paraan na bilisan nila ang upgrade or at least ma-inform ang mga subscriber. Dapat ito masolusyonan for the benefit of the subscribers,” dagdag pa ni Rio.

Batay sa reklamo ng subscribers, minsan ay tatlong araw na walang internet service sa kanilang WiFi subalit hindi naman nababawasan ang kanilang binabayaran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?