26

Aug 9, 2020 @ 15:16
By

Palitan niyo ko! Doncic sinuka ang NBA award

Kung ang iba ay natutuwa sa oras na ma-nominate para sa isang award sa NBA, ibahin niyo si Slovenian sensation Luka Doncic.

Matapos ilabas ang listahan ng mga nominado para sa NBA Most Improved Player, kaagad na pumalag ang Dallas Mavericks star nang mapasama ang kanyang pangalan dito.

Tingin kasi ni Luka, hindi niya deserve ang nasabing award, at mas may karapat-dapat pa na makakuha nito kaysa sa kanya kung saan sambit niya’y ipalit sa kanyang pwesto si Devonte Graham ng Charlotte Hornets.

Kung pagbabasehan ang stats, swak si Doncic sa nasabing parangal, na mas lalong halimaw sa kanyang sophomore season sa stat line na 29.0 points, 9.4 rebounds at 8.8 assists, at giniya ang Mavericks sa playoffs mula pa noong 2016.

Ngunit hindi rin maikakaila na pasok din si Graham para sa Most Improved Player plum, sa kanyang unang season ay nasa 4.7 points, 2.6 assists at 1.4 rebounds lamang ang average, ngunit ngayong season ay kumolekta ng 18.2 points, 7.5 assists at 3.4 rebounds kada laro.

Ilan pa sa kalaban ni Doncic para sa MIP ay sina Brandon Ingram ng New Orleans Pelicans at Bam Adebayo ng Miami Heat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?