94

Apr 29, 2019 @ 17:32
By

Palitan ng intelligence sa ibang bansa, hindi pagtataksil – Panelo

Hindi maituturing na pagtataksil ang palitan ng intelligence information sa ibang bansa.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo bilang sagot kay Congressman Neri Colmenares na maingay sa isyu ng inilabas na matrix ng Oust Duterte plot kung saan galing umano sa ibang bansa ang impormasyon.

Sinabi ni Panelo na hindi labag sa Konstitusyon ang ganitong sistema lalo na kung maganda ang intensiyon at para ito sa proteksiyon ng isang bansa.

May umiiral na demokrasya sa bansa at malaya aniya ang sinuman na maghayag ng opinyon at mga ideya tungkol sa isang isyu.

“This is a democratic country, she is free to express her opinion and her ideas. It’s not a violation of the Constitution. It’s an exchange of intelligence information, and all countries do that,” ani Panelo.

Kasabay nito nilinaw ng kalihim na hindi maituturing na pang-eespiya kapag nakatanggap ng impormasyon ang gobyerno mula sa ibang bansa dahil may mga ahente o agents ang mga ito na nasa iba’t ibang bansa at anumang masasagap na impormasyon ay ibinabahagi sa bansang may concern nito.

“Alam mo iyong sharing of intelligence information, hindi rin naman ibig sabihin nagsu-surveillance iyong mga iyon. Puwede rin naman na galing sa atin, sinabi doon sa … hindi ba, may mga agent naman iyong mga iyan, kaniya-kaniyang agent sa iba’t ibang bansa,” ani Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?