189

Oct 19, 2017 @ 16:33

Palit-hepe sa PNP Drug Enforcement Group

Papalitan na bukas ang pinuno ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na si Police Chief Supt. Graciano Jaylo Mijares.

Sa inilabas na special order ng Directorate for Personnel and Records Management na pirmado ni PNP Chief Ronald dela Rosa, nakasaad dito na itatalaga si Mijares bilang bagong regional director ng PNP Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Si Police Chief Supt. Joseph Cagayan Adnol na dating PNP regional director ng Region 10 ang uupo bilang bagong pinuno ng PNP-DEG.

Habang Si Police Chief Supt. Reuben Theodore Sindac na papalitan ni Mijares bilang regional director ng PNP ARMM ay itatalaga sa Office of the Chief PNP sa Camp Crame National Headquarters.

Trabaho ngayon ng PNP-DEG ay tumulong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng intelligence gathering para sa mga target na drug suspects at illegal drugs activities.

Ito ay matapos alisin na sa PNP ang pangunguna sa pagsasagawa ng anti-illegal drugs operation at ilipat ito sa PDEA. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?