172

Nov 22, 2021 @ 18:35
By

Palawan Governor palaban! Chinese forces tutuhugin ng binalasang kawayan

Tutuhugin ng mga binalasang kawayan ang mga Chinese forces na magpipilit pumasok sa Ayungin Shoal at iba pang mga islang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Ito ang babala ni Palawan Governor Jose Alvarez sa isang panayam sa radio kasunod ng ginawang panghaharang ng Chinese Coast Guard sa bangka ng gobyerno na maghahatid sana ng supply sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Sinabi ng gobernador na hindi pupuwedeng basta na lamang sumunod ang mga Pinoy sa mga Chinese dahil matindi aniya ang pang-aabuso ng mga ito lalo na sa mga kinukuhang isda sa West Philippine Sea.

“Hindi tayo puwedeng magpatinag sa mga banyaga na ‘yan na pumapasok sa atin. Kung kailangan magdala tayo ng sundang at saka kawayan doon para tuhugin sila gawin natin ‘yon kung hindi natin sila mapapigil na huwag silang makialam sa Ayungin. Dito sa Palawan wala kaming kanyon eh, magdadala kami ng binalasang kawayan para tuhugin ‘yan sila!” ani Governor Alvarez.

Iginiit ng gobernador na lapis at papel lang ang ginamit ng mga Chinese sa sinasabi nilang Nine Dash Line samantalang ang Pilipinas ay mayroong arbitral award.

“Yung kanila gumamit lang sila ng lapis gumawa sila ng nine dash line dot dot dot eh napasok yung mga isla na maliliit doon. Eh hindi puwede yan matagal tayo diyan. Sila lapis lang ang puhunan, tayo may arbitral award tayo,” dagdag ni Alvarez.

Kapag hindi aniya papapasukin ng Chinese Coast Guard ang barko ng Pilipinas para maghatid ng supply ng mga nagbabantay na sundalo sa Ayungin Shoal ay siya mismo ang maghahatid kahit pa mapahamak siya sa mga Chinese.

“Kung hindi nila papasukin ‘yung mga bangka saka barko natin maghatid ng pagkain doon sa Philippine Marines, ako mismo ang maghahatid doon, bahala na barilin nila ako, ok lang,” wika ni Alvarez.

Bagamat water canon lamang aniya ang ginamit ng Chinese Coast Guard na hindi nakamamatay, posibleng malunod sa dagat ang tatamaan ng water pressure kaya dapat marunong lumangoy ang mga pupunta sa Ayungin Shoal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?