37

May 18, 2021 @ 14:37
By

Palasyo: Walang puwedeng magbenta ng bakuna

Nagbigay-linaw na ang Philippine Red Cross sa ulat na umano’y magbebenta ng COVID vaccine para sa mga hindi makapaghintay sa bakuna ng gobyerno.

Ito ang inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa press briefing sa Malacañang matapos matanong sa isyu.

Sinabi ni Galvez na nilinaw na ng Red Cross ang isyu at walang katotohanan na magbebenta ng COVID-19 vaccine.

“Nagkaroon na po ng clarification po yon. Nagkaroon lang ng misinterpretation sa sinabi ng Red Cross. Mayroon ng clarificatory statement ang Red Cross,” ani Galvez.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na libre ang mga bakuna kontra COVID-19 dahil ito ay binili ng gobyerno at ipinangako ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa panig ng Presidente, ang pangako niya ibigay ang mga bakuna ng libre dahil ang mga bakuna naman na inaangkat ay babayaran ng ating gobyerno,” ani Roque.

Ang mga inangkat aniya ng pribadong sektor ay hindi maaring ibenta dahil walang awtorisasyon mula sa gobyerno para ibenta ito sa mga taong apuradong mabakunahan.

“Yung mga inaangkat ng pribadong sektor ay para sa kanilang gamit pero wala pong dapat magbenta kasi wala nga pong general use authority pa ang kahit na anong bakuna,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?