81

Nov 19, 2021 @ 18:55
By

Palasyo tutulong sa US extradition ni Quiboloy

Dumistansiya ang Malacañang sa kasong sex trafficking na isinampa sa Amerika laban sa kaibigan at adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na si Quiboloy ay isang pribadong indibiduwal at walang kaugnayan ang gobyerno sa kanyang personal na buhay.

Naniniwala ang kalihim na kaya ni Quiboloy na kumuha ng tamang legal advice kaugnay sa kanyang kinakaharap na asunto.

“Pastor Quiboloy is a private individual and I am sure he is capable on getting the proper legal advice,” ani Nograles.

Hindi aniya nakikialam ang Palasyo sa personal na relasyon ni Pangulong Duterte sa ibang tao kaya hahayaan nila ang Presidente kung ano ang saloobin hinggil sa kasong ibinibintang sa kanyang kaibigan.

“With regard to mga personal relationships ni Pangulo with other people, dahil ito ay personal relationship ay hayaan na lang po natin si Pangulo na magsalita tungkol diyan,” dagdag ni Nograles.

Sakaling magkaroon aniya ng extradition treaty laban kay Quiboloy, sinabi ng kalihim na nakikipag-cooperate ang Pilipinas pagdating sa extradition.

Pero sa ngayon ani Nograles ay espekulasyon pa lamang at maaga pa para magsalita hinggil dito.

“Ang bansang Pilipinas ay laging nagko-cooperate ‘no pagdating sa extradition or processes of extradition. So we will cooperate if magkaroon man ng ganyan, whether kung sino man iyan, magko-cooperate po ang Pilipinas,” wika ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?