13

Dec 28, 2020 @ 16:37
By

Palasyo tiniyak na ligtas mga sundalong naturukan ng China bakuna

Pinawi ng Malacañang ang agam-agam na posibleng malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga sundalong naturukan ng COVID-19 vaccine dahil wala pang inaprubahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dumaan na sa evaluation ng China at United Arab Emirates ang bakuna ng Sinopharm at mahigit isang milyon na ang nabakunahan nito kaya makakasigurong ligtas din ito sa mga naturukang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Roque, wala namang nabalitang masamang nangyari sa mga nabakunahan mula sa vaccine ng Sinopharm kaya mas mabuting mayroong proteksiyon kaysa wala.

“Isang milyon na mahigit ang naturukan ng Sinopharm. Kung titingnan n’yo po sa internet, may ganyang anunsiyo na ang Sinopharm,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi pipilitin ang mga sundalong ayaw magpabakuna at ang mga nabigyan lamang ay yaong mga gustong makasiguro ng kaligtasan mula sa bagsik ng COVID-19.

Kinumpirma naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga nabigyan ng COVID vaccine ay mga miyembro ng Presidential Security Group na siyang nagbibigay ng seguridad at proteksiyon kay Pangulong Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?