13

Oct 8, 2020 @ 17:51
By

Palasyo tinitingnan special session para sa 2021 nat’l budget

Bukas ang Malacañang sa posibilidad na magpatawag ng special session ng Kongreso sakaling magkaproblema sa pagpasa sa 2021 proposed national budget.

Sa harap na rin ito ng mga agam-agam na hindi maipasa sa takdang panahon ang pambansang budget dahil sa pagsuspinde ng Kamara sa sesyon hanggang November 16.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na magpapatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling hindi umabot sa deadline ang pagpasa sa 2021 national budget.

Ayaw aniya ng Pangulo ang re-enacted budget dahil mahalagang maisulong ang mga programang may kinalaman sa naging epekto ng COVID pandemic.

“Kung kinakailangang magpatawag ng special session pagdating ng December, Malacañang will do it,” ani Roque.

Dahil sa pagsuspinde sa sesyon ng Kamara, ilang senador ang nagsabing posibleng magkaroon ng reenacted budget dahil hindi kaagad mai-transmit ang panukalang budget sa Senado.

Pero sinabi naman ni Roque na mayroong sapat na panahon ang Senado para busisiin ang panukalang pambansang budget.

“The Senate can continue its own deliberations on the budget kasi hindi naman yan nakadepende sa pagtatapos ng budget sa House,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?