207

Oct 5, 2021 @ 19:52
By

Palasyo sinopla si Dick: Cookies hindi relo binili ni Digong

Cookies at hindi mamahaling relo ang binili ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Greenbelt shopping center nang mag-ikot noong Sabado.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang sagot sa patutsada ni Senador Richard “Dick” Gordon na nagawa pa umanong mag-shopping ng mamahaling relo ang Presidente habang ang sambayanan ay naghihirap dahil sa nararanasang pandemya.

Sinabi ni Roque na malisyoso ang pahayag ng nangungunang kritiko ni Pangulong Duterte at malinaw na talagang gusto nitong siraan ang Presidente.

Nag-ikot aniya ang Presidente kasama si Senador Bong Go noong Sabado sa shopping mall sa Makati City matapos maghain ng kandidatura ang senador dahil gustong makita ng Pangulo ang takbo ng negosyo.

“President Duterte went around personally checking how businesses are faring with the re-opening of industries and the economy. PRRD stayed for a few minutes and bought cookies–not a high-end watch, as one senator maliciously implied,” ani Roque.

Tiniyak ng Palasyo na bagamat iilang panahon na lamang ang natitira sa termino ni Pangulong Duterte, ipagpapatuloy pa rin nito ang trabaho at pagtutok sa trabaho tungo sa pagbangon ng bansa mula sa epekto ng COVID-19.

“The President has worked tirelessly during this pandemic and will spend the remaining days of his term guiding the country towards post-COVID-19 recovery,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?