49

Oct 2, 2017 @ 16:55

Palasyo: Sereno, Morales “nagpagamit” para pabagsakin si Duterte

Nagpagamit umano sina Ombudsman Conchita Carpio Morales at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa ilang grupo para sirain ang Duterte administration at mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ng Malacanang kasunod ng ginawang paghahamon ng Pangulo kina Sereno at Morales na sabay sabay silang magbitiw sa puwesto.

Sinabi kahapon ni Presidential spokesman Ernesto Abella, matibay ang paniwala ng Pangulo na may mga puwersang nasa likod nina Sereno at Morales para galitin ang publiko at kalaunan ay maalis siya sa puwesto.

Malinaw aniya na bahagi ang dalawang opisyal sa plano laban sa kanya kayat hindi maalis ang pagdududa.

“Well, it’s his prerogative to make that call. The President believes the Supreme Court Justice and the Ombudsman have allowed themselves to be used by certain political forces to discredit him and his administration in order to spark public outrage and eventually oust him from the Presidency. In other words, he finds them suspect. And it is his prerogative to ask them to resign,” ang pahayag ni Abella.

Kaugnay naman sa tanong kung bakit isinama ng Presidente ang sarili sa panawagang mag-resign, sinabi ni Abella na estilo ito ng Presidente sa pagharap sa sitwasyon at sa mga isyung ibinabato sa kanya.

Nag-ugat ang ngitngit ng Presidente sa Ombudsman dahil sa mabilis na pag-aksiyon sa reklamo ni senador Antonio Trillanes kaugnay sa umano’y tagong yaman nito, habang isyu naman ng korapsiyon ang gigil nito sa Supreme Court justice. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?