29

Oct 22, 2020 @ 19:39
By

Palasyo: Senior citizen discount sa swab testing sundin

Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga diagnostic at testing laboratory sa bansa na sundin ang batas na nagbibigay diskuwento sa lahat ng senior citizen.

Kasunod ito ng reklamo ng mga senior citizen na hindi binibigyan ng diskuwento ng ilang diagnostic laboratory kapag sumasailalim sa RT-PCR test lalo na sa gumagawa nito sa mga airport.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat sundin kung ano ang nasa batas kaugnay sa mga pribilehiyong ibinibigay sa mga nakatatanda.

“I enjoin everyone to please observe the dicscounts which is mandated by law,” ani Roque.

Batay sa nakasaad sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, lahat ng senior citizen ay mayroong pribilehiyo na 20% discount sa lahat ng goods at services.

Kaugnay naman sa magkakaibang singil sa presyo ng swab test, sinabi ni Roque na pareho lang ito sa sinisingil ng Philippine Red Cross sa kanilang swab test pero wala aniyang itinatakda ang Inter-Agency Task Force na presyo para roon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?