24
harry-roque
Feb 5, 2018 @ 16:16
By

Palasyo sa Sanofi: Huwag kayong makampante!

Hindi pa absuwelto sa pananagutan sa Dengvaxia controversy ang Sanofi Pasteur kahit pa naglabas ng ulat ang mga eksperto ng Philippine General Hospital (PGH) na walang direktang ebidensiya na nag-uugnay sa naturang vaccines sa pagkamatay ng 14 na nabakunahan nito.

Nauna nang tinanggihan ng Sanofi ang hirit ng Department of Health (DOH) na i-refund nang buo maging ang halaga para sa mga nagamit na bakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, huwag maging kampante ang Sanofi dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon at tiyak na mas malaking sakit ng ulo nila kapag napatunayang inilihim ng kompaniya ang side effect ng bakuna.

“Huwag po silang lumakas ang loob dahil hindi pa po tapos ang usapin. Mayroong reklamo na hindi sila nag-disclose fully kung ano ang side effect ng bakuna. So hindi po ibig sabihin na iyong finding ng UP-PGH ay nagsasabi na siyam ay walang kinalaman sa Dengvaxia ay wala na silang pananagutan. Marami pa pong posibleng pananagutan! Kapag napatunayan na alam nila iyong side effect, hindi nila dinisclose, naku, napakalaking danyos po ang puwede nilang bayaran; hindi lang iyong full reimbursement,” ani Roque.

Sinabi pa ng kalihim na tinatapos lamang ng gobyerno ang imbestigasyon at wala pang pinal na resulta kaya’t hindi pa “off the hook” ang dayuhang kompaniya pati na rin ang mga dating opisyal na nagsabwatan umano para mapabilis ang pagbili ng Dengvaxia vaccines at maiturok sa mga kabataan.

“They must be dreaming if they think they’re off the hook. Pinatatapos lang natin ang imbestigasyon. Everyone, please, the investigation is ongoing. Even the UP-PGH study will be forwarded to the NBI, so that they can conclude their investigation. Let us not make any conclusion either way. And I’m also appealing to even some members of the government, wala pa pong final finding ang NBI, antayin po natin iyan. No one is responsible and yet, no one is off the hook at this stage. Dream on, Sanofi!” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?