6

Aug 20, 2020 @ 14:28
By

Palasyo sa remittance centers: Mga kumuha ng ayuda bigyan ng resibo

Pinagsabihan ng Malacañang ang mga remittance center na pinagkukunan ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng resibo sa kanilang sinisingil sa mga benepisyaryo.

Ipinarating sa Palasyo ang kaltas na P50 sa remittance center bilang processing fee sa kukuning pera mula sa gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batid nilang mayroong processing fee mula sa ayudang ibinigay ng gobyerno pero dapat ay maglabas ng resibo ang mga ito.

“Alam naman ng DSWD na lahat ng pumili na makuha ‘yung kanilang ayuda sa pamamagitan ng i-cash out ay kinakailangang magbayad ng P50,” ani Roque.

Mahalaga aniya na mag-isyu ng resibo ang mga remittance center para masigurong tama ang binabayarang buwis sa gobyerno.

“Ang ating concern lang ay magbigay ng resibo ang mga ito para naman ma-record ‘yung income nila and makapagbayad ng tamang buwis,” dagdag ni Roque.

Batay sa report, lahat ng benepisyaryong kukuha ng kanilang ayuda sa mga awtorisadong remittance center ay kinakaltasan ng P50 subalit walang ibinibigay na resibo.

Ang iba naman ay kinakailangang kumuha ng suki card sa remittance center para makuha ang ayuda na may bayad na P100.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?