7

Oct 29, 2020 @ 18:11
By

Palasyo sa publiko: Wala pang aprubadong bakuna kontra COVID

Winarningan ng Malacañang ang publiko na huwag kumagat sa alok na umano’y COVID vaccine na ibinebenta nang mahal.

Kasunod ito ng nakarating na report sa Malacañang na may umiikot umanong text message kaugnay sa COVID vaccine na nagkakahalaga ng P50,000 bawat isa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala pang naaprubahang bakuna para sa COVID kaya huwag paniwalaan ang mga kumakalat na text.

Mananagot aniya sa batas ang mga mahuhuling magbebenta ng bakuna na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

“Bawal po iyan. Mayroon pong ipinapataw na parusa kahit sinong magbebenta ng gamot o bakuna na hindi po aprubado ng FDA. Mayroon pong kulong iyan, itigil n’yo po ‘yan,” ani Roque.

Nauna nang inihayag ni FDA Director General Eric Domingo na mayroong isang pasilidad sa Makati City na kanilang pinuntahan at ininspeksyon matapos makatanggap ng report na nagbabakuna umano ng COVID vaccine kahit wala pang inaaprubahan ang ahensya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?