66

Jan 8, 2022 @ 22:28
By

Palasyo sa publiko: Total lockdown fake news, ‘wag patulan

Kinalma ng Malacañang ang publiko matapos kumalat ang isang audio clip ng boses lalaki na umano’y magdedeklara ang gobyerno ng total lockdown sa buong bansa dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na walang batayan ang nakasaad sa voice clip at ito ay fake news.

Nanawagan ang kalihim sa publiko na huwag maniwala sa mga ganitong uri ng mga tsismis at huwag ikalat sa mga kaibigan at pamilya kapag nakatanggap ng mga ganitong uri ng impormasyon.

“We reiterate our appeal to the public to dismiss these unfounded and malicious rumors and to refrain from sharing these with our family and friends,” ani Nograles.

Hinimok ni Nograles ang publiko na manatiling nakasubaybay sa mga bagong kaganapan kaugnay sa ginagawang pagtugon ng gobyerno at makinig at manood lamang ng balita sa mga lehitimong news organizations at huwag basta maniwala sa mga nakikita o naririnig sa social media.

Binigyang-diin ng kalihim na nahaharap sa panganib ang bansa at ang sambayanan kaya hindi na dapat pang dagdagan ang pag-aalala at kaba ng publiko sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news.

Sinabi ni Nograles na hindi nakakatulong ang ganitong mga gawain kaya sana ay makonsensya ang mga gumagawa ng mga malisyosong impormasyon habang hinaharap ang epekto ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?