51

Oct 26, 2018 @ 12:39
By

Palasyo sa paglipat kay Lapeña: Matagal na pero napadali

Matagal nang plano na ilipat sa ibang ahensiya si outgoing Bureau of Customs Commissioner (BOC) Isidro Lapeña.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos ianunsiyo kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anibersaryo ng Philippine Coast Guard ang paglilipat kay Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ayon kay Panelo, sa susunod na linggo pa sana ang anunsiyo tungkol sa rigodon pero napadali dahil sa ilang mga kadahilanan.

Ilan dito ani Panelo ay upang maisalba si Lapeña sa mga intrigang ibinabato sa kanya sa BOC.

Sinabi ng kalihim na sobra na ang paninira kay Lapeña kaya nagpasya si Pangulong Duterte na ilipat ito sa TESDA.

“With respect to Commissioner Lapeña, alam mo matagal nang naka ano iyon… naka-ready i-transfer sa TESDA. Kaya lang nadali kasi—alam mo si Presidente, ano siya, he wants to spare him from intrigue dahil sinisiraan nang husto eh,” ani Panelo.

Kasabay nito nilinaw ni Panelo na hindi demotion ang paglilipat kay Lapeña sa TESDA dahil cabinet rank ito ‘di tulad sa puwesto sa BOC na nasa ilalim ng Department of Finance.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?