88
ABANTE mayon likas residente palasyo
Jan 15, 2018 @ 18:24
By

Palasyo sa mga residente sa paanan ng Mayon: Lumikas na kayo!

Pinayuhan ng Malacanang ang mga residenteng nakatira malapit sa paligid ng Mayon Volcano na lumikas pansamantala dahil sa peligrong maaaring idulot ng pag-aalburuto ng bulkan.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, mas mainam na magtungo na sa mga evacuation centers ang mga mamamayang nakatira sa 6- kilometer permanent danger zone at 7-kilometer expanded danger zone para sa kanilang kaligtasan.

Nakataas na aniya sa Alert level 3 ang bulkang Mayon at kumikilos na ang mga kaukulang ahensiya para maalalayan ang mga maapektuhan ng pag-alburuto ng bulkan.

“Dahil Level Alert 3 na po sa Mayon, lahat po ng nakatira sa 6-kilometer permanent danger zone at 7-kilometer expanded danger zone, eh lumisan na po kayo panandalian at pumunta po sa mga evacuation centers. Uulitin ko po, iyong mga nakatira sa 6-kilometer permanent danger zone and 7-kilometer expanded danger zone, lumikas na po kayo panandalian,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na mahigpit na nakamonitor ang mga pangunahing ahensiya sa mga komunidad sa paligid ng bulkang Mayon at marami ng pamilyang pansamantalang kinakanlong sa 10 evacuation centers sa bayan ng Guinobatan, Camalig at Malilipot sa lalawigan ng Albay.

Tiniyak ni Roque na may sapat na pondo at stockpile ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga evacuees na maapektuhan ng bulkang Mayon.

“The DSWD Field Office in Region V has 5.6 million in standby funds and a stockpile of 13,352 family food packs and non-food items consisting of 37,342 pieces malong, 382 rolls laminated socks, 7,327 dignity kits and 54,832 blankets,” dagdag pa ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?