82

Nov 5, 2017 @ 16:17

Palasyo sa mga nagsasabing may EJKs: Maglabas kayo ng ebidensiya!

Hinamon ng Malacañang ang mga grupong patuloy na sinasabing “state-sponsored’ ang naganap na extra judicial killings sa bansa na maglabas ng ebidensiya sa kanilang alegasyon.

Sinabi kahapon ni Acting Presidential Spokesman Harry Roque na puro lang ngawa ang ginagawa ng ilang grupo pero hindi naman naglalabas ng mga ebidensiyang magpapatunay na mayroong utos ang gobyerno para pumatay ng mga drug addicts at mga sangkot sa illegal na droga.

Hindi aniya makakatulong ang puro ngawa lang at kung gustong makatulong sa gobyerno para matigil ang mga pagpatay ay maglabas ng mga ebidensiya para malitis at maparusahan ang mga gumagawa nito.

“Well, hindi ko po maintindihan kung saan nanggagaling iyan kasi wala pong ebidensiya bagama’t ako po talagang sinabi ko, “I welcome the creation if this group” kasi ang problema natin iyong ibang group ngawa lang nangngawa ‘no,” pahayag ni Roque.

“Kinakailangan kasi kumalap ng ebidensiya, dahil unless mayroong ebidensiya na talagang lumabag sa batas ang kapulisan ay kaisa tayo sa daigdig na ito na tinatawag na presumption of regularity in the discharge of functions ‘no, kahit saan po iyang bansa dito ‘no. And the only way na ma-o-overcome natin iyangpresumption na ganiyan eh kapag mayroong ebidensiya,” dagdag pa nito.

Ayaw na ring patulan ng kalihim ang patutsada ng grupong “Manlaban sa EJK” na tila nawala na ang posisyon nito sa isyu ng Human Rights dahil sumama ito sa administrasyong gumagawa ng mga paglabag sa karapatang pantao.

Ayon kay Roque, wala siyang dapat na ipaliwanag sa nabanggit na grupo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?