38

Jan 8, 2022 @ 10:01
By

Palasyo sa mga nagpapakalat ng fake news: Huwag gawing biro ang COVID

Sinermunan ng Malacañang ang mga nagpapakalat ng fake news na tigilan ang mga malisyoso at walang basehang pahayag dahil hindi ito nakakatulong sa dinaranas na sitwasyon ng sambayanan.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na hindi nakakatulong ang pagpapakalat ng fake news dahil nakakadagdag lamang ito ng stress sa publiko.

Partikular na tinukoy ni Nograles ang voice clip ng isang babae na nagsasabing magkakaroon ng total lockdown at martial law dahil sa tumataas na COVID cases sa bansa.

Sinabi ng kalihim na fake news ito at huwag maniwala ang publiko sa mga ganitong uri ng balita.

“Sa mga walang magawa at nagpapakalat nito, tigilan na ninyo ito please. Hindi ito biro. We are dealing with the threat that understandably concerns our people and spreading baseless and malicious rumors contributes to unnecessary anxiety and to needless panic. Hindi ito nakakatulong,” ani Nograles.

Pinayuhan naman ng kalihim ang publiko na maniwala lamang sa mga impormasyong nanggaling sa mga institusyong may kredibilidad at mga sangay ng gobyerno na naghahatid ng mga tamang balita.

“Get your news and information from credible sources only. Kaya nga po binabalita natin agad ang mga bagong hakbang laban sa COVID para alam agad ng taumbayan,” dagdag ni Nograles.

Bukod sa kumalat na voice clip ng isang babae, may kumalat din sa social media na post na magla-lockdown umano ng dalawang linggo sa buong bansa na agad namang pinabulaanan ng opisyal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?