harry-roque
By

Palasyo sa IBP: Igalang ang desisyon ng SC sa Sereno issue

Sharing is caring!

Nanawagan ang Malacañang sa mga abugado na respetuhin ang naging desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto petition na nagpatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kasunod ito ng hirit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na i-review ng Kataas-Taasang Hukuman ang naunang desisyon laban kay Sereno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayorya sa mga mahistrado ang bumoto na hindi dapat magpatuloy sa kanyang tungkulin si Sereno dahil malinaw na paglabag sa Saligang Batas ang hindi nito pagsusumite ng statement of assets, liability and networth noong professor pa ito ng UP College of Law.

“Ang aking panawagan sa mga kapatid sa hanapbuhay, respetuhin talaga natin ang desisyon ng Korte Suprema. Sa ngayon po, pupuwede sigurong mag-file ng Motion for Reconsideration; pero sa akin po, wala silang standing ‘no dahil ang apektado naman dito talaga si Chief Justice ‘no,” ang pahayag ni Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na nagsalita na si Senior Associate Justice Antonio Carpio at hiniling na igalang ang desisyon ng Korte Suprema lalo pa at walo sa labing-apat na mga mahistrado ang nagpatibay para katigan ang quo warranto petition laban kay Sereno.

“Pero sa tingin ko po kung ang desisyon ay hindi mababago, dapat ang mga abogado bilang officers of the court, tayo po iyong unang-una na mag-eengganyo sa ating taumbayan na respetuhin at huwag kuwestiyunin ang mga desisyon ng ating Kataas-taasang Hukuman,”dagdag pa ni Roque.

Naniniwala ang IBP na posibleng mabago ang desisyon laban kay Sereno kung muling i-review ang pasya ng mga mahistrado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?