65

Dec 11, 2017 @ 11:38
By

Palasyo sa dating admin: ‘Wag mangdamay sa Dengvaxia issue

Walang rason para idamay ang kasalukuyang administrasyon sa kapalpakan ng mga dating opisyal na nagpatupad ng anti-dengue vaccination gamit ang palpak na Dengvaxia vaccine.

Inihayag ito ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar kasunod ng pahayag ng mga kritiko na dapat sisihin din ang Duterte administration dahil nagpatupad din ng bakuna kontra dengue si dating Health Secretary Paulyn Ubial.

Sinabi ni Andanar na ang dapat magpaliwanag sa isyu ay kung sino ang nagmadaling pumunta sa Paris at nagmadaling pumirma ng $70 million at makalipas ang isang taon ay saka ianunsiyong depektibo at peligroso pala ang mga bakuna sa hindi pa dinapuan ng dengue.

Batid pala aniya ng dating administrasyon ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na hindi pa talagang tested ng husto ang bakuna.

“Kung sino iyong nagmadali at alam pala nila ang rekomendasyon ng WHO eh siyempre sila dapat ang pumunta sa Senado, magkaroon ng imbestigasyon, i-explain nila. Voluntarily they should go there and explain kung bakit nila minadali ang $70 million na project ng gobyerno at ng Sanofi,” ang pahayag ni Andanar.

Interesado rin aniya ang publiko kung saan kinuha ng dating administrasyon ang perang ipinambili ng mga palpak na bakuna kontra dengue dahil mahalagang malaman ito ng sambayanan kaya’t maraming dapat ipaliwanag ang dating administrasyon.

“Saan galing ang pera? Ito ba ay WHO? Ito ba’y DOH fund? O ito ba ay pondo galing sa iba pang resources? Ito ba ay galing sa savings?

Tapos dinivert doon, final and legality. So iyon ang dapat gawin ng past administration, i-explain dahil sa kanila naman talaga ang project na ito,” ang dagdag na pahayag ni Andanar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?