67

Oct 21, 2017 @ 18:55

Palasyo sa CHR: Ibang klase ang trip

Binatikos ng Malacañang ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa planong imbestigahan ang ginawang military operations simula mag-umpisa ang krisis sa Marawi City para umano matukoy kung nirespeto ang karapatan ng mga kalaban.

Natatawang naiinis na inihayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na sa dinami-dami ng maaaring imbestigahan ay ang karapatan pa ng mga Maute terror group ang gustong tutukan ng CHR.

Kung seryoso aniya ang CHR na mag-imbestiga ay dapat unahin ang karapatan ng mga pulis at sundalong namatay o kaya naman ay ang mga sibilyang iginapos at pinatay ng mga terorista sa mga unang araw ng bakbakan sa Marawi City.

“Well to me, it is really ridiculous. Sa dinami-dami na puwede mong i-check iyong karapatan, why not start with the soldiers ‘di ba, iyong mga pulis na namatay… o iyong mga kakampi ng gobyerno, iyong kakampi ng taong-bayan. Hindi ko maintindihan eh. Siguro may ibang trip po siguro talaga iyong Commission on Human Rights,” ang pahayag ni Andanar.

Sinabi pa ng kalihim na maraming mga nailigtas na hostages na nakaranas ng mapait sa kamay ng mga terorista pero tila bingi ang CHR at mas interesado sila kung hindi ba nalabag ang karapatan ng mga napatay na terrorist leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

“Mayroon po akong nakausap doon sa Marawi na nanay na nagsumbong mismo sa akin. Actually palabas na ako ng warehouse at hinabol talaga niya, nagsumbong dahil iyong kanyang anak ho ay kinse anyos na babae, tapos ito po’y ginahasa ng isa sa mga miyembro ng Maute. Nabuntis ho iyong bata, tapos na—and then she suffered a miscarriage. Pero grabe po talaga iyong epekto sa bata na iyon, hindi ko alam kung bakit wala pa iyong CHR para kausapin iyong bata na iyon,” ang dagdag na pahayag ni Andanar.

Matatandaan noong Miyerkules ay inihayag ni CHR Policy Advisory Office Head Gemma Parojinog na inatasan ang kanilang mga tauhan na i-monitor ang sitwasyon simula idineklara ang Martial Law sa Mindanao para matiyak aniya na ang karapatan ng mga nasa kabila ay meron ding respeto.

Umani naman ng sari-saring pananaw at negatibong reaksiyon ang naging pahayag ng CHR lalo na sa social media. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?