17

Jun 14, 2021 @ 16:09
By

Palasyo sa Cebu gov’t: Sundin mga IATF protocol!

Tinabla ng Malacañang ang ipinaiiral na polisiya ng Cebu City government para sa mga dumarating na pasahero sa lungsod at sa buong Cebu province.

Ito ay matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Cebu na sundin ang arrival protocols na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinalabas ang direktiba ng Pangulo sa pamamagitan ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

“The President has decided that the IATF protocols must be implemented by the Cebu province. The President has also considered the DOH critique and has decided that Cebu province must abide with the IATF arrival protocols,'” ani Roque.

Batay sa patakaran ng tanggapan ni Cebu Governor Gwen Garcia, agad na isinasailalim sa swab test ang mga dumarating na pasahero sa Cebu at kapag negatibo ang resulta ay agad na pinapauwi ang mga ito sa kanilang mga tahanan.

Taliwas ito sa patakarang inilabas ng IATF na kinakailangang sumailalim muna sa quarantine ang pasaherong dumating sa Pilipinas mula sa ibang bansa at pagdating ng ika-pitong araw ay saka pa lamang ito isasailalim sa swab test.

Kapag negatibo ang resulta ng swab test ay maaaring ituloy ang 14-day strict quarantine sa bahay ng umuwing pasahero.

Matatandaang idinivert sa Ninoy Aquino International Airport ang lahat ng inbound international flights sa Mactan International Airport sa Cebu para masigurong hindi makakalusot ang mga pasaherong carrier ng COVID variant.

Isa ring ibinigay na dahilan ng Malacañang sa diversion of flights ay dahil kinakapos umano ng hotel accommodation sa Cebu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?