81
malacanang
Nov 13, 2018 @ 16:15
By

Palasyo pinasasagot ng SC sa petisyon vs Bangsamoro Organic Law

Hinihingan ng komento ng Korte Suprema ang Malacañang at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa petisyong kumukwestiyon sa constitutionality ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa deliberasyon ng Supreme Court En Banc, hindi na muna inaksyunan ng korte ang hiling ng petitioner na si Sulu Governor Abdusakur Tan II na pigilan ang pagpapatupad sa BOL at sa Commission on Elections (Comelec) laban sa pagsasagawa ng plebisito para sa BOL.

Sa halip, binigyan muna ng korte ang Ehekutibo na sumagot sa petisyon at ipagtanggol ang constitutionality ng kinukwestiyong batas.

Pinangalanang respondent sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea, DILG Secretary Eduardo Año, mga miyembro ng Senado at Kamara de Representantes, Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, Bangsamoro Transition Commission at MILF.

Giit ni Tan, nagmalabis ang Kongreso sa kapangyarihan nito nang ipasa ang BOL dahil salig sa Section 18 at 19 ng Article X ng 1987 Constitution, isang organic act lamang ang ipinapasabatas para sa pagbuo ng autonomous region in Muslim Mindanao.

“Since ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) is created by Constitutional fiat, Congress, by itself, has absolutely no authority to abolish ARMM. Only through an amendment of the Constitution may ARMM be abolished. This is so, because only the Constitution may create or abolish an autonomous region,” saad ng petisyon.

Sa pamamagitan din umano ng pagbuo sa parliamentary form of government sa ilalim ng BOL, nalalabag ang doctrine of separation of powers na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Isinusulong ng batas ang pagbuo ng autonomous political entity na Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nalagdaan ito bilang batas ni Pangulong Duterte noong July 26, 2018 pero kinakailangan pa itong dumaan sa plebisito kung saan pagbobotohan ng mga rehistradong botante sa mga lugar na balak saklawin ng Bangsamoro Autonomous Region kung nararapat ba itong ratipikahan o pahintulutan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?