27

May 21, 2020 @ 15:10
By

Palasyo: ‘Pinas nasa 1st wave pa rin ng COVID

Kinontra ng Palasyo ang naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque na nasa second wave na ng COVID-19 infection ang Pilipinas.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang bansa ay nananatili sa first wave ng nasabing virus.

Ngunit nilinaw ni Roque na hindi niya direktang sinasabing mali si Duque, kundi may iba lamang umano itong interpretasyon ng datos.

“Alam niyo po ang medisina, para ring mga abogado ‘yan, iisa lang ang batas namin (pero) iba iba ang interpretasyon. Ganyan din po siguro sa medisina, iisa ang siyensya ,iisa ang datos, iba ang basa,” saad ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte

Matatandaan na sa pagdinig sa Senado ay sinambit ni Duque na nasa second wave na umano ang bansa sa COVID-19 infection, ang first wave ay noong Enero kung saan may naitalang tatlong kaso ng COVID-19 sa bansa na puro nanggaling sa China.

Saad ni Roque, masyadong mababa ang tatlong kaso para maituring na COVID-19 wave ang nangyari noong unang buwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?