30

Nov 18, 2021 @ 12:37
By

Palasyo: ‘Pinas ‘di patitinag, ilalaban karapatan sa WPS

Hindi patitinag ang gobyerno sa paggigiit ng karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ng Malacañang matapos ang panibagong insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa dalawang barko ng gobyerno na maghahatid sana ng supply ng mga sundalo na nasa Ayungin Shoal.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na patuloy na igigiit ng gobyerno ang karapatan sa teritoryo at hurisdiksyon sa West Philippine Sea.

“As we have in the past, we will continue to assert our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over our territory,” ani Nograles.

Natanggap aniya ng Palasyo ang report ng Western Command kaugnay sa panghaharang ng Chinese Coast Guard sa dalawang supply boat ng gobyerno at pagpapaulan ng water cannon sa mga ito kaya napilitang umatras at hindi na tumuloy sa Ayungin Shoal .

Sinabi ni Nograles na kumilos na ang Department of Foreign Affairs at kinondena ang ginawa ng Chinese Coast Guard.

Ipinaabot na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kay Chinese Ambassador to the Philippines ang galit, pagkondena at protesta sa ginawa ng puwersa ng China. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?