79

By

Palasyo pinagpapaliwanag si Duque sa kasong plunder

Hihintayin ng Malacañang ang magiging paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque kaugnay sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya dahil sa isyu ng conflict of interest.

Nag-ugat ito sa pagpaparenta ng kanilang gusali sa probinsiya sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para sa regional office ng ahensiya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi niya alam ang background ng reklamo sa kalihim kaya’t hihintayin ng Palasyo ang paliwanag nito.

“I think Secretary Duque will—we’ll have to wait for Secretary Duque’s explanation,” ani Panelo.

Pero sinabi ng kalihim na kung pag-aari ng pamilya nina Duque ang gusali ay malinaw na hindi ito solong pag-aari ng Health secretary at kung binitiwan na ang kanyang share ay hindi masasabing may conflict of interest.

“Kasi kung sinasabi mo family owned, it doesn’t mean na sa kaniya iyon. Kung nag-divest na siya ng kaniyang share doon, eh ‘di hindi na siya … hindi na mag-a-apply iyong sinasabing conflict of interest,” dagdag pa ni Panelo.

Sa ngayon anang kalihim ay wala namang naririnig sa Malacañang laban kay Duque, na indikasyong patuloy na nagtitiwala sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang presumption is you are innocent unless proven guilty beyond a reasonable doubt. I think the Secretary of Health still enjoys the trust and confidence of the President,” dagdag ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?