101

Nov 16, 2021 @ 19:41
By

Palasyo: Parlade sinungaling

Walang basehan at walang katotohanan ang lahat ng mga sinabi ni retired General Antonio Parlade laban sa Malacañang at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang inihayag ni Acting Presidential Spokesman Carlo Nograles kasunod ng mga pahayag ni Parlade laban kay Senador Bong Go at sa Department of National Defense.

Sinabi ni Nograles na naninindigan sila sa inilabas na pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at maging ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa senador.

“We stand by the statement of Secretary Del Lorenzana, Secretary of our National Defense and we stand by that statement and reaffirmed that lahat ng mga sinabi ni Parlade are totally baseless at walang katotohanan,” ani Nograles.

Naunang inihayag ni Parlade na kinokontrol umano ni Senador Go ang Pangulo kaya nagkakaroon ng diskuntento sa hanay ng AFP.

Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte noong Lunes ng gabi, sinabi ni Lorenzana na tinawagan niya at kinompronta si Parlade dahil idinadamay siya sa kanyang pamumulitika.

Nanindigan si Lorenzana na walang namumuong gulo o diskuntento sa hanay ng Hukbong Sandatahan at isa aniya si Senador Go sa tulay sa Presidente sa mga isinusulong na programa at modernisasyon sa AFP.

“Pagkatapos kong mapanood at mapakinggan ang kanyang interview ay tinawagan ko siya kung bakit isinasali niya ako sa kanyang political ambition,” ani Lorenzana.

Si Parlade ay isa sa mga kandidato sa pagka-presidente para sa 2022 elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?