18

Aug 23, 2021 @ 19:52
By

Palasyo nakiusap sa mga nurse: Huwag mag-resign, dadami walang trabaho

Nakiusap ang Malacañang sa grupo ng mga nurse sa bansa na pag-isipan ang bantang mass resignation kapag hindi natanggap sa September 1 ang kanilang hinihintay na mga benepisyo at allowance.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nag-utos na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) na ibigay agad ang mga benepisyong hindi pa natanggap ng health workers.

Sa katunayan aniya ay binigyan ni Pangulong Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) ng sampung araw para maibigay agad ang pondong kailangan ng DOH para sa mga benepisyo ng health workers.

“Naku huwag naman po sana, dahil nag-order naman ang Presidente na within ten days from last Friday ay kinakailangan maibigay na itong mga special risk allowance,” ani Roque.

Kapag aniya hindi nagpapigil ang mga health worker ay dadami ang walang trabaho sa panahon ng pandemya at wala nang maibigay na ayuda ang gobyerno para sa mga ito.

“Kapag nag-resign po sila, dadami ang hanay na walang trabaho sa panahon ng pandemya, mas lalala ang problema natin kung mas maraming walang trabaho sa panahon ng pandemya at wala naman po tayong karagdagang ayuda na maibigay,” dagdag ni Roque.

Nauna rito, nagbanta ang Filipino Nurses United na kapag hindi pa nila matanggap sa unang araw ng September ang kanilang hinihintay na benefits, kasama ang contractual health workers ay agad silang magsusumite ng kanilang resignation letter.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?