83

Dec 18, 2017 @ 18:02
By

Palasyo nakiramay sa mga biktima ni Urduja

Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa mga biktima ng bagyong Urduja, lalo sa pamilya ng mga nasawi at nawawala sanhi ng pananalasa ng bagyo.

Nasa Biliran ang halos lahat ng miyembro ng gabinete para mag-report kay Pangulong Rodrigo Duterte sa lawak ng pinsala ng bagyong Urduja.

Sa press briefing ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Biliran, tiniyak nito sa mga local executives ang agad na pagkikos ng National Government para maalalayan ang mga biktima ng kalamidad at makumpuni agad ang mga nawasak na mga tulay at kalsada.

“Sa lahat po ng taga-Biliran, Samar, Leyte at ibang mga lugar na nasalanta ng bagyo, nakikiramay po ang buong gobyerno ni Presidente Duterte at asahan nyo po narito po sa inyong piling ang gobyerno ni Presidente Duterte.

Aasahan nyo po na aatasan ni Presidente ang lahat ng mga kalihim na narito ngayon sa ground zero sa Biliran para bigyan ng katugunan ang inyong mga pangangailangan,”ang pahayag ng kalihim.

Batay sa inilahad na update ni Roque, umabot na sa 49 ang missing, 33 dito ay mula sa Samar, 11 sa Eastern Samar, 3 sa Leyte at 2 sa Romblon.

Umakyat na sa 31 ang kumpirmadong nasawi, 23 dito mula sa Biliran, 2 sa Samar, 5 sa Leyte at isa sa Eastern Samar.

Sinabi naman ni Agriculture secretary Manny Piñol na ina-assess na nila ang halaga ng pinsala sa mga pananim at mayroon silang nakahandang “Survival and Rehabilitation” o SURE para sa mga magsasaka na nagkakahalaga ng P25,000, walang interes at walang collateral, limang libo dito ay grant o bigay pamabili ng pagkain.

Sa aspeto ng supply ng kuryente, sinabi ni Energy Undersecretary William Felix Fuentebella na pangunahin sa kanilang ikinukunsidera ang kaligtasan ng mamamamayan at kanilang mga tauhan na gagawa ng mga nasirang linya ng kuryente.

Sisikapin aniya nilang maibalik ang supply ng kuryente bago Magpasko dahil nakakaranas ngayon ng total blackout ang pitong bayan na siniserbisyuhan ng Biliran Electric Cooperative at target nilang maibalik ito sa December 21. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?