12

Jul 24, 2021 @ 15:21

Palasyo nakabantay sa epekto ng habagat

Nakabantay ang Malacañang sa mga kaganapan sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa dulot ng epekto ng habagat.

Kasunod na rin ito ng mga malawakang pagbaha sa iba’t-ibang lugar dulot ng walang patid na pag-ulan simula kahapon at nitong weekend.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakahanda na ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan para umalalay sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Bataan at sa lalawigan ng Kalinga.

“We are closely monitoring the weather situation, especially flood prone and landslide-prone areas, where heavy rainfall warning brought by the southwest monsoon has been raised,” ani Roque.

Nakahanda na aniya ang P849.5 million standby funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at food at non-food items para punan ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaang apektado ng malawakang pagbaha.

“The DSWD and field offices have standby funds amounting to P849.5 M and prepositioned goods amounting to P169.18 M. Also there are other food and non-food items amounting to  P676.5 M,” dagdag ni Roque.

Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng malawakang pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan ay ang Orion at Samal sa Bataan, San Antonio, Zambales at Balbalan sa Kalinga.

Batay sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), maraming mamamayan naman  ang inilikas partikular sa Marikina City dahil sa pagtaas ng tubig sa Marikina river.

May mga lungsod at munisipalidad ang nawalan ng supply ng kuryente subalit naibalik na at nagsagawa na ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Laguna at Antique.

Mayroon na ring kahalintulad na operasyon ang DPWH sa Sablayan at Pag-asa sa Occidental Mindoro; Barbaza,Antique; Virac; Itogon,Benguet; La Trinidad, Taloy Sur, at Tuba, Benguet.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?