17

May 12, 2021 @ 14:08
By

Palasyo nagpaliwanag sa mabagal na pag-deliver ng bakuna

Binigyang-katwiran ng Malacañang ang puna ng ilang lokal na opisyal na mabagal ang distribusyon ng COVID vaccine ng national government.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque dumadaan pa kasi sa proseso ang mga dumating na bakuna bago ito ipamigay sa mga lokal na pamahalaan.

Mayroon aniyang tinatawag na certificate of analysis na ginagawa para matiyak kung pareho ang kalidad ng mga dumating na bakuna.

“Alam ninyo po iyong pagkaantala ay dahil mayroon po silang pinapa-process na certificate of analysis na kinakailangan. Lalong-lalo na sa Sinovac eh magkaroon ng pag-aaral para makita kung parehas ng quality iyong ibang mga dumating sa atin. So, iyon po ang dahilan kung bakit hindi mai-deliver kaagad,” ani Roque.
Pero hindi aniya pinapatagal ito sa warehouse dahil sa sandaling mayroon ng certificate of analysis ay agad na ipinamamahagi ang mga bakuna.

Target ng gobyerno na maibuhos ang vaccination rollout sa National Capital Region plus bubble para mas marami ang mabakunahan.

Ang NCR Plus ang naging sentro ng COVID contamination noong buwan ng Abril kaya ito ang nais tutukang mabuti ng National Task Force against COVID-19.

“Nais po talaga natin na magkaroon ng herd immunity dito sa NCR Plus. Kasi kapag nagkaroon po ng herd immunity, parang nilutas mo na iyong problema ng buong Pilipinas dahil ang karamihan naman ng kaso talaga ay nandito sa NCR Plus,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?