3,070

Dec 4, 2017 @ 16:24
By

Palasyo nababahala sa pagdami ng mahihirap

Inamin ng Malacañang na nabahala sila sa survey na mas maraming Pilipino ang naniniwalang mas mahirap sila ngayon sa kasalukuyang administrasyon.

Kasunod ito ng third quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 47% o katumbas ng tinatayang 10.9 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila.

Mas mataas ito ng tatlong puntos kumpara sa resulta ng survey noong buwan ng Hunyo na 44% o katumbas na 10.1 milyong pamilya.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, tinatanggap nila na hamon ang resulta ng survey at sisikaping makarating sa mamamayan ang bunga ng pag-unlad ng ekonomiya.

“Siyempre po nakakabahala pa rin yan kahit pa hindi masyadong malaki ang agwat kumpara noong Hunyo. Kung ikukunsidera pa natin iyong margin of error na 3% at saka yung inflation ng 3% din, talagang halos wala naman talagang additional iyan kung tutuusin,” ang pahayag ni Roque.

Bumawi naman aniya sa survey yung perception ng food-poor dahil bumaba ito na magandang indikasyon na bumaba ng bahagya.

Pero sa kabila ng resulta ng survey, sinabi ni Roque na mas mababa pa rin sa Duterte administration ang bilang ng mga nagsabing mahirap pa rin sila kumpara noong nakalipas na administrasyon.

“At siyempre po iyong perception of hunger,dito sa administrasyon na ito at doon sa nakalipas na administrasyon, mas mababa pa rin iyong average ng perception of hunger ngayon kaysa sa nakalipas na administrasyon,” ang dagdag na pahayag ni Roque.

Matatandaang ipinangangalandakan ng administrasyon na umaangat ang ekonomiya at ang Pilipinas ang isa sa pinakamabilis na pag-unlad sa Asya subalit ayon naman sa mga kritiko, hindi ito nararamdaman ng mga maliliit at mahihirap na mga Pilipino. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?