53

Mar 22, 2021 @ 17:45
By

Palasyo: Mga lugar sa ‘GCQ bubble’ walang ayuda

Sinabi ng Malacañang na walang matatanggap na tulong pinansiyal o ayuda ang mga lugar na inilagay sa mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) mula Marso 22 hanggang Abril 4 dahil hindi naman aniya pinagbawal ang pagpasok sa trabaho.

“In terms of ayuda na gaya ng binigay natin sa ECQ (enhanced community quarantine), dahil hindi naman natin pinipigilan magtrabaho ang ating mga kababayan ay hindi na tayo dapat magbigay ng ganoong ayuda dahil puwede maghanapbuhay ang lahat,” paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang briefing nitong Lunes.

“Ang ginagawa natin ngayon ay hindi natin sinasarado ang industriya para makapagtuloy na magtrabaho ‘yung mayroon pang mga trabaho,” dagdag niya.

Aniya, ilang local government unit naman ang nagbibigay ng cash aid pati na mga food pack sa mga pamilyang apektado ng localized o granular lockdown.

Matatandaang inilagay ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna sa GCQ (Marso 22-Abril 4) na tinawag na “GCQ bubble” kung saan bawal ang mga non-essential travel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?