149

Sep 7, 2021 @ 17:32
By

Palasyo: Mga banat ni Isko, pang-eleksiyon na

Nagpaparamdam na si Manila Mayor Isko Moreno para sa kanyang kandidatura sa darating na eleksiyon.

Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng pahayag ni Moreno na dapat mga gamot para sa COVID-19 ang bilhin ng gobyerno gaya ng Tocilizumab at Remdesivir sa halip na face shield.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kaibigan niya ang alkalde pero sa tono ng mga pananalita nito laban sa ginagawa ng gobyerno ay paraan para ligawan ang mamamayan.

“Kaibigan ko itong si Yorme. Pero gaya ni VP, eh kakandidato rin po yan. Mark my word, hindi pa po nag-aanunsiyo iyan pero sigurado po ako na kakandidato kaya asahan natin na itong mga ganitong salita ‘no dahil kailangan nilang ligawan ang mamamayan,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na ang mga biniling face shield ay kasama ito sa mga biniling personal protective equipment para sa mga frontliner ng gobyerno.

Binigyang-katwiran ni Roque na ang paggamit ng face shield ay nakabase sa siyensiya bilang dagdag proteksiyon laban sa COVID-19.

“Iyan po ay nakabase sa siyensiya at ipinresenta natin ang datos na galing sa mga dalubhasa. Epektibo po iyan sa pagbibigay ng proteksiyon sa ating mga mata dahil pupuwede namang pumasok si COVID-19 sa ating mga mata,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?