24

By

Palasyo malamig sa paglipat ng IAS sa DILG

Tila hindi gusto ng Malacañang ang kagustuhan ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police na mailipat sila sa pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa harap ito ng ulat na inuupuan o hindi umano inaaksyunan ng liderato ng PNP ang kanilang mga rekomendasyon laban sa mga inirereklamong pulis lalo na ang mga inakusahang ninja cops.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kahit saan ilipat ang IAS kung hindi naman ginagawa ang trabaho ay lalabas pa rin kung ano ang naging accomplishments nila.

“Alam mo yung proposal nyo, ang assumption non eh hindi gumagawa ng matino yung ahensiyang yun, yung internal affairs. Kahit saan mo ilagay yan, ihiwalay mo man at hindi kung hindi talaga gagawa ng dapat nilang gawin ganon pa rin yun,” ani Panelo.

Inirereklamo ng IAS na wala silang kapangyarihan para magsibak ng mga inirereklamong pulis kahit may sapat na ebidensya dahil lumilitaw na rekomendasyon lang ang kanilang kapangyarihan.

Sinabi ni Panelo na maaring idemanda ng IAS ang opisyal na hindi umaksyon sa kanilang rekomendasyon lalo na kung malakas ang ebidensiya sa mga inimbestigahan nilang police scalawags.

” Kung totoong nagrekomenda ka at inupuan, trabaho mo na mag-file ng kaso doon sa umuupo sa rekomendasyon mo. That’s an offense. Bakit hindi ka naghain ng demanda laban doon sa dapat na magbigay ng desisyon,” dagdag pa ni Panelo.

Sinabi ng kalihim na hindi pabor si Secretary Eduardo Año sa nais ng IAS na ilipat sila sa DILG dahil kahit saan aniya ilagay ang ahensiya kung hindi nagagawa ng maayos ang trabaho ay ganoon pa rin ang magiging resulta nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?