80
Palasyo ‘malamig’ sa mungkahing alisan ng scholarship ang mga militanteng estudyante
By

Palasyo ‘malamig’ sa mungkahing alisan ng scholarship ang mga militanteng estudyante

Tila hindi sang-ayon ang Malacañang sa rekomendasyon ng National Youth Commission (NYC) na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng sumasali sa mga rally laban sa pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung suspetsa lamang ang magiging batayan para tanggalan ng scholarship ang isang estudyante ay hindi aniya ito tama.

Kailangan aniyang may konkretong ebidensiyang panghahawakan na ang isang scholar ay kasapi ng isang organisasyon ng komunista bago ito tanggalan ng scholarship.

Sinabi ni Panelo na mayroong tinatawag na freedom of expression at hindi sapat na batayan ang pagiging miyembro lang nito sa isang left leaning organization.

Ayon kay Panelo, ibang usapan na kapag nahuli ang isang estudyante na sangkot sa pagpaplano para pabagsakin ang gobyerno.

“Kung sinususpetsahan lang hindi naman pupuwede ‘yon. Kailangan meron tayong ebidensiya na parte nga sila ng grrupo na laban sa gobyerno. Kung sila ay sumasama lang sa rally, that’s freedom of expression and freedom of assembly,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na maaari lamang tanggalan ng scholarship ang isang estudyante kung mayroong konkretong ebidensiya na bahagi ang mga ito ng grupong nais magpabagsak sa pamahalaan.

Nauna rito iminungkahi ni NYC Commissioner Ronald Cardema na alisan ng scholarship ang mga estudyanteng lantarang sumasama sa mga kilos-protesta ng dahil pera umano ng gobyerno ang ginagastos sa mga ito pero nilalabanan naman ang mga nagpapaaral sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?