14

Oct 14, 2021 @ 17:19
By

Palasyo malamig sa mandatory na pagpapabakuna

Hindi nakikita ng Malacañang ang pangangailangang magpasa ng panukalang batas para gawing mandatory o obligahin ang lahat ng mga Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bahala na ang Kongreso kung gusto nilang magsulong ng panukalang batas para gawing mandatory ang pagbakuna laban sa COVID-19.

Pero para sa ehekutibo, sinabi ng kalihim na mataas ang bilang ng mga gustong magpabakuna lalo na ngayong may sapat na supply ng COVID vaccine ang gobyerno.

“Right now, because the supplies have just arrived, I think the level of vaccination–the level of individuals who want to be vaccinated is already very high so baka hindi pa naman kinakailangan yan,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na marami na ang gustong mabakunahan hindi katulad noong nagsisimula pa lamang ang vaccination rollout na may agam-agam ang publiko.

Marami na aniyang supply ng bakuna kaya kailangang ubusin muna ang mga ito saka pag-isipan kung kinakailangan pang magpasa ng batas para obligahin ang bawat Pilipino para magpabakuna.

“Napakarami pong gusto nang mabakunahan at since nandiyan na po ang supply eh ubusin muna natin yung gustong mabakunahan bago natin pag-isipan yung pagpasa ng batas para maging mandatory ang pagpapabakuna,” dagdag ni Roque.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?