46

Jul 25, 2018 @ 12:01
By

Palasyo makikipagtulungan kay Speaker Gloria – Roque

Handa ang Malacañang na makipagkoordina sa bagong liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kabila ng nangyaring gusot noong Lunes na naging dahilan para maantala ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kahit sino ang ihalal ng Kamara na maging lider nila ay kikilalanin ng ehekutibo.

Mahalaga aniyang magkaroon ng magandang ugnayan ang Kamara at Malacañang para maisulong ang mga priority measure na nais ni Pangulong Duterte na mabigyan ng agarang aksiyon at lehislasyon.

“Ang posisyon naman ng Palasyo, kahit sinong ihalal na mga miyembro ng Kamara na maging lider nila ay kikilalanin po iyan ng ehekutibo at handa tayong makipagtulungan,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na hindi pa nagkausap sina Pangulong Duterte at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo dahil pagkatapos ng SONA ay umuwi sa Davao City ang Presidente.

“Well, hindi pa po sila nagkausap dahil umuwi na po ng Davao si Presidente after the SONA. At alam naman natin na kahapon pa lamang naging pormal na talagang nawala nang isyu na Speaker talaga si Madam Gloria Macapagal-Arroyo,” dagdag pa ni Roque.

Si Speaker Arroyo ay kaibigan ng Pangulo at naging consultant siya nito noong panahon ng GMA administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?