26

Jul 19, 2021 @ 21:32
By

Palasyo kinontra mga kritiko: Drug war maiiwang tatak ni Duterte

Kinontra ng Malacañang ang paniwala ng mga kritiko na ang iiwang pamana ng Duterte administration ay ang batik sa mga paglabag sa karapatang pantao kaugnay sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ayon sa Pulse Asia, ang war on drugs ng Pangulo ang maiiwang tatak sa mga Pilipino dahil natupad nito ang pangako sa taongbayan.

Ito aniya ang dahilan kaya kahit anong banat ang ipukol ng mga kritiko kay Pangulong Duterte ay hindi bumababa ang trust at satisfaction ratings nito.

“Sinabi po ni Dr. Ana Tabunda na mukhang itong war on drugs po is a promise fulfilled by the President to the Filipino people and because of this eh kahit anong bira ang ipinupukol kay Presidente hindi po bumababa ang trust at saka ang satisfaction rating nito,” ani Roque.

Kaya mali aniya ang mga kritiko sa pagsasabing ang iiwang marka ng Pangulo ay ang “legacy of notoriety” dahil tinupad nito ang pangako na lalabanan ang talamak na problema sa iligal na droga sa bansa.

“I think it will be a true legacy of the President na tinotoo niya iyong pangako niya na mananalo tayo dito sa giyera laban sa ipinagbabawal na droga. And the Filipino people according to Pulse Asia apparently agrees,” dagdag ni Roque.

Matatandaang nakarating hanggang sa International Criminal Court ang reklamo laban sa Pangulo dahil sa paglabag umano sa karapatang pantao kaugnay sa umano’y extrajudicial killing sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?