64

Mar 2, 2020 @ 18:50
By

Palasyo kay Tulfo: Maglabas ng ebidensiya laban kay Aguirre

Dapat maglabas ng ebidensiya ang beteranong journalist na si Mon Tulfo kaugnay sa bintang nito na si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang protektor diumano ng sindikato ng “pastillas” scheme sa Ninoy Aquino International Airport.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na seryoso ang alegasyon ni Tulfo kaya dapat na magbigay ito ng impormasyon para maimbestigahan ang paratang laban sa dating DOJ secretary.

Hindi aniya maiimbestigahan kung walang ebidensiya o pormal na reklamo laban kay Aguirre kaugnay sa nabunyag na “pastillas scheme” sa NAIA.

“May serious allegation di ba? Mr. Tulfo should provide information to the proper authorities so that that can be investigated. Kami, unless you submit proof to us or there’s a form of complaint, we cannot do anything,” ani Panelo.

Hindi naman masabi ng kalihim kung may kakayahan ba si Aguirre na maging protektor ng sindikatong “pastillas” scheme dahil hindi niya ito personal na kakilala at lalong hindi niya alam ang mga ginagawa nito dahil wala na ito sa gobyerno.

Mananatiling inosente aniya ang isang inaakusahan hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga bintang laban sa kanya.

“I do not know him personally with his business dealings or official or either personal. As lawyers we always say everyone is entitled to presumption of innocence,” dagdag pa ni Panelo.

Si Aguirre ay naging kaklase ni Pangulong Rodrigo Duterte sa San Beda Law School at naging Justice secretary sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, subalit nagbitiw sa tungkulin noong 2018 matapos maibasura sa DOJ ang kaso ng dalawang kilalang drug lord sa bansa na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?