58

Oct 19, 2017 @ 16:47

Palasyo kay Trillanes: Sabihin ‘yung totoo lang!

Umaasa ang Malacañang na pawang  katotohanan lang ang mga impormasyong  ibinahagi ni Senador Antonio Trillanes  sa mga nakausap nitong opisyal sa  biyahe nito sa Estados Unidos.

Sinabi kahapon ni presidential spokesman Ernesto Abella, na labas na  sila sa biyahe ng senador pero sana  lang ay nailahad nito sa mga kausap ang tunay na estado ng human rights sa  Pilipinas at hindi ang nais nilang  palitawin sa international community.

Sinabi ni Abella na nalaman lamang nila na nagkita sina Trillanes at US Sen. Marco Rubio sa pamamagitan ng tanggapan ng US senator.

“We do hope that the correct information has been given and not  biased information designed to adversely affect US-Philippines  relations,” ani Abella.

Hindi naman nagbigay ng reaksyon ang  tagapagsalita ng Malacañang sa ulat  na isa sa agenda umano ni Trillanes sa  biyahe nito sa Amerika ay upang  pigilan ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas sa susunod na buwan.

“We understand that Senator Trillanes went on a trip to the United States. On whether the senator went to the US to ask some sectors to convince the US President not to visit, the Palace is not privy to that,” dagdag na pahayag ni Abella.

Sa Twitter account ni Sen. Rubio, inilahad nito na bahagi ng kanilang  napag-usapan ni Trillanes ang RP-US alliance, paglaban sa korapsyon at  pagprotekta sa human rights sa harap  ng mainit na kampanya sa ilegal na  droga sa bansa.

Si Sen. Rubio ay kritiko sa anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?