59

By

Palasyo kay Sereno: Hindi magbibitiw si Pangulong Duterte!

Sharing is caring!

Walang balak ang Malacañang na pagbigyan ang kapritso ng pinatalsik na Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nananawagang magbitiw na sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakausap niya ang Pangulo at wala aniyang dahilan para magresign ito dahil hindi naman sila magkapareho.

Binigyang-diin ni Roque na mismong mga kasama ni Sereno ang nagpatalsik sa kanya sa puwesto dahil lumabag ito sa Saligang Batas kaugnay sa hindi pagsusumite ng kanyang statement of assets, liabilities and networth o SALN.

“Well, nabanggit nga po niya sa akin iyan na kailangan na mag-react daw. Eh ang sabi niya bakit daw siya magre-resign eh hindi naman daw sila kapareho ‘no. Unang una, bagama’t pilit na sinasabi ni Chief Justice na ang Pangulo ang nasa likod ng kaniyang pagkatanggal, ang tumanggal sa kaniya ay sarili niyang mga kasama sa Korte Suprema at kaya siya natanggal po dahil po sa hindi niya pagpa-file ng SALN na requirement ng Saligang Batas, in other words lumabag siya doon sa Saligang Batas,”ani Roque.

Sinabi ng kalihim na malayo ang sitwasyon nina Sereno at Pangulong Duterte dahil wala aniyang nilalabag na probisyon sa Saligang batas ang punong ehekutibo.

Pinayuhan ni Roque si Sereno na tingnan ang sarili sa salamin para makita nito kung sino ang nasa likod ng kanyang pagkakatalsik sa puwesto.

” Alam mo may kasabihan tayo, kapag ikaw nanturo, may isang daliri nakaturo pero ang apat na daliri ay nakaturo sa iyo ‘no, nakabalik ‘no. Ganiyang ganiyan po ang nangyari kay CJ, humarap lang po siya sa salamin at iyan po ang makikita niya kung sino talaga ang nasa likod ng kaniyang pagkakatanggal,” dagdag pa ni Roque.

Sinabi pa ni Roque na tanggapin na lamang ni Sereno na baka may ginawa talaga itong hindi maganda dahil pati mga kasama sa Kataas-taasang hukuman ay bumoto laban sa kanya.

“AApat lang po ang appointed ni Presidente doon sa Korte Suprema, walo pong bumoto laban sa kaniy at tanggapin na lang po niya na baka talagang mayroon talaga siyang ginawa na hindi maganda na talagang sarili niyang mga kasama sa Korte Suprema ay bumoto laban sa kaniya,” ang pahayag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?