48

Jan 18, 2021 @ 20:06
By

Palasyo kay Lacson: Walang nabago sa presyo ng Sinovac vaccine

Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na kaya naibaba ang presyo ng Sinovac vaccine ay dahil sa pag-iingay ng Senado at naisalba ang bilyong pisong pondo ng taumbayan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi nabago ang posisyon ng gobyerno dahil iyon pa rin ang presyong napagkasunduan ng gobyerno at Sinovac.

Wala aniyang basehan ang ipinapakalat ng mga kritiko ng gobyerno na ang Sinovac ang pinakamahal na bakuna.

Nasa pagitan lamang aniya ng P650-700 kada bakuna kagaya ng presyong pagbili ng Indonesia sa kanilang mga bakuna sa China.

“With all due respect kay Senator Lacson, hindi po nagbago ang posisyon ng gobyerno. Wala pong katuturan iyang sinasabi nila na pinakamahal ang Sinovac,” ani Roque.

Hindi pa aniya nagsisimula noon ang negosasyon sa China para sa mga bibilhing bakuna ay ipinakalat na sa social media na napakamahal ang presyo nito.

Mayroon aniyang special price ang China sa mga bibilhing bakuna ng Pilipinas at hindi ito ang market price nila sa kanilang bansa.

“Alam natin na iyong market price sa Tsina will not be the market price na bibilhin natin, pagkatapos po ng negosasyon na government to government with the Chinese government,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?