52

Jan 27, 2020 @ 17:49
By

Palasyo kay Del Rosario: Manahimik ka na lang

Pinayuhan ng Malacañang si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na manahimik na lamang bilang retiradong opisyal ng gobyerno.

Ito ay matapos imungkahi ni Del Rosario na dapat tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ng White House na dumalo sa US-ASEAN Special Summit na gaganapin sa Las Vegas sa Marso para matalakay ang mga isyung may kinalaman sa relasyong bilateral ng Pilipinas at Amerika.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na alam ni Pangulong Duterte ang kanyang ginagawa at hindi nito kailangan ang payo sa mga dating opisyal na wala namang nagawang maganda para sa bansa noong nasa puwesto katulad ni Del Rosario.

Sa ilalim aniya ng pangangasiwa ni Del Rosario nawala sa Pilipinas ang West Philippine Sea kaya mas mabuting manahimik na lamang ito.

“I suggest he stays retired. The President knows what he is doing. He doesn’t need advise from those who have failed in their term as government officials especially from the one who lost the West Philipine Sea to the Chinese government,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi kailangang dumalo sa special summit para makapag-usap sina Pangulong Duterte at US President Donald Trump dahil maaari naman itong pag-usapan kahit walang espesyal na aktibidad.

“These issues can always be brought up between countries that are affected by it. You don’t need a special summit for that,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?