297

Dec 4, 2017 @ 17:21
By

Palasyo kay de Lima: Subukan mong tumawag sa 8888

Umalma ang Malacañang sa kagustuhan ni Senadora Leila de Lima na paimbestigahan sa Senado ang 8888 complaint hotline ng gobyerno dahil pantakip lamang umano ito sa kabiguan ng campaign promise ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi talaga malalaman ni de Lima kung epektibo o hindi ang 8888 complaint hotline dahil hindi naman niya ito nasubukan pa.

Bawal ang telepono sa detensiyon ng senadora kaya hindi nito talaga malalaman kung ano ang nagagawa ng 8888 complaint hotline.

Sinabi ni Roque na ang publiko ang saksi na walang tigil ang pagsibak ni Pangulong Duterte sa mga tiwali sa gobyerno kaya’t malabo ang pahayag ng senadora na “superficial fulfillment” ang ipinangako ng Presidente na wawalisin ang mga corrupt sa gobyerno.

“Maybe because she hasn’t tried it because she shouldn’t have a telephone in her detention facility,” pahayag ng kalihim.

Idinagdag pa ni Secretary Roque na hangga’t may mga nagrereklamo ng katiwalian ay aasahang marami pa ang masisibak dahil sinsero si Pangulong Duterte sa kanyang krusada laban sa korapsiyon.

Kaya aniya ang panawagan ng Palasyo sa mga nagtatrabaho sa gobyerno ay lumipat sa pribadong sektor kung gusto nilang yumaman.

“Hindi po matitigil yang paninibak na yan. Ang mensahe nga namin sa lahat ng taong-gobyerno, mag-pribadong sektor na lang po kayo kung gusto niyong yumaman,” ang dagdag pa ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?